dear kuya potpot… part 1…

may sumulat po sa akin at nais ko pong i-share sa inyo ang storya ng lalaking ito… Jeff ang kanyang pangalan at ating basahin ang kanyang istorya.. *tugtog helen vela theme*

——-

“Tok” isang malakas na batok mula kay Leah, ang bestfriend ko mula first year college. Di kami pareho ng kurso pero dahil mula pa nung freshmen kami, kami na ang magkasanggang-dikit. Nagsimula lamang iyon sa simpleng tanungan portion na kung ang silid na kinalolooban ng klase ay ang klase niya.

 

Mahilig akong pumusisyon sa may bandang pintuan, para kapag nag bell, ako ang unang makakalabas. Loner ako. Di ako masyadong nakikisalamuha sa iba, mahiyain ako at puro aral lang. Gusto ko uwi agad para makapagpahinga.

 

Boss, dito ba yung room ni Ginang Robles ng Filipino 101?”

 

“Dito po.” Tugon ko habang nakayuko at nakatingin sa binabasa kong komiks.

 

“Boss, patabi ha?” tanong muli ng babaeng makulit.

 

“Sige lang po.” Patuloy pa rin ako sa pagbabasa.

 

“Anong binabasa mo? X-rated?” pang-aasar niya.

 

“Excuse me po, di po ako nagbabasa ng malalaswang babasahin.” Tanggol ko sa sarili.

 

“Ahh ganun ba, sorry naman. Pwedeng mag-sorry di ba?” muli nyang pagtatanong.

 

“Pwede naman po. Wala naman po sa konstitusyon na bawal magsorry.” Pilosopo kong sagot.

 

“Ako nga pala si Leah, anong pangalan mo?” patuloy pa niyang pangungulit.

 

“Jeff.” Maikli kong tugon.

 

“Nice meeting you Jeff.” Sabay abot ng kanyang kamay at hinarang sa aking binabasa.

 

Doon ko inabot ang kamay niya at sabay tingin sa kanya. Natulala ako. Napakaganda niya. Ni minsan, di sumagi sa isip ko na kakausapin ako ng isang tulad niya, at nakipag-kamay pa siya sa akin. Ang lambot ng kamay niya, naisip kong anak mayaman siya dahil walang kalyo ang mga palad niya.

 

“Ni..ni..ce.. mee..meeting.. you.. din.. Le.. Leah..” nauutal kong sagot habang nakatitig ako sa mabilog niyang mga mata.

 

“Aba! Para kang nakakita ng multo, ok ka lang boss?” pabiro niyang tugon habang nakangiti.

 

“Ok lang ako, sensya na.” Sabay ayos ng salamin ko na unti-unting dumudulas sa pagkakalagay sa ilong ko.

 

Dito nagsimula ang lahat. At nangarap ako na sana simula na lang ang lahat.

 

“ARAY!! MASAKIT HA!” sagot ko sa masakit na batok sa akin ng aking magandang kaibigan.

 

“Saan tayo kakain mamaya? Wala naman akong trabaho mamaya, samahan mo akong gumimik at magpakalasing!” paanyaya niya sa akin.

 

“Saan mo ba gusto? Kaya lang wala na akong budget eh, nagdeposit ako sa bangko at pinadala ko kay nanay.” Sinubukan kong magsinungaling para makalusot.

 

“Wag kang mag-alala, akong bahala sa iyo! Sagot kita mamaya! Sunduin mo ko 7 ha, wag kang mawawala uupakan kita!” pananakot nya sa akin.

 

“Oo na, oo na! Kasi naman eh, mag boyfriend ka na nga! Nahihirapan ako sa iyo eh pag naglalasing ka! Maghanap ka ng mag-aalaga sa iyo!” pagbibiro ko sa kanya.

 

“Sige ka, mawawalan ka ng magandang bestfriend. Ahahahahahaha!” malandi niyang halakhak habang nakaakbay sa akin.

 

Sa totoo lang, matagal ko ng kursunada si Leah, ayoko lang masira ang pagkakaibigan naming dahil alam ko ang kanyang pinag-daanan. Ayokong isipin niya na nagsasamantala ako sa kahinaan niya. Hindi ako gago tulad ng mga naging nobyo niya, ayoko rin siyang saktan kaya nanatiling lihim ang pagtingin ko sa kanya. Oo na, martyr at torpe na ako, pero anong magagawa ko, mas naniniwala ako na mas magandang ipagpatuloy naming magkaibigan kami kaysa maging magkasintahan. At asa pa akong papasa ako sa standards ng babaeng ito, eh kung ikukumpara mo ako sa mga naging bf niya, milya-milya ang layo ko sa kanila. Sorry naman, di ako kagwapuhan.

 

Sinundo ko sa condo niya si Leah, at alam kong matinding inuman ang hanap niya kaya hinanda ko ang aking Leah Emergency Kit And Tools or tinatawag kong LEKAT. Hindi pa ako sumasablay, sa ilang beses na naglasing si Leah, ilang beses ko na ding nagamit ang LEKAT para maisalba kaming pareho sa kapahamakan.

 

Pagbukas pa lang ng pinto, parang anghel ang sumalubong sa akin, simple lang manamit si Leah, simpleng blouse na puti at jeans lang, daig pa niya ang mga model sa magazine sa ganda, di siya magarbo at maluho, mahilig lang talagang uminom.

 

“Shall we?” tanong niya.

 

“We shall.” Sagot ko naman.

 

“O, ikaw magmaneho, tinatamad akong mag drive.” Sabay abot sa akin ng susi ng kanyang RAV 4.

 

“Di ko kasalanan kung maibangga ko itong sasakyan mo ha.” Ngisi kong tugon.

 

“Tongek! Mas mabagal ka pang magmaneho sa pagong kaya tigilan mo ako sa kalokohan mo ah.” Banat niya pabalik sa akin.

 

“Ahh pagong pala ha.. di ko pa pinapakita sa iyo ang mga Fast and the Furious moves ko.” Pabiro kong sabat.

 

“Fast and the furious.. ulul!” sabay batok na naman sa akin. Nakakainis na ah.

 

Pumunta kami sa lagi naming tinatambayan, maliit na bar lang sya na pwedeng pang dalawang o hanggang limang tao. Pwede kayong magkwentuhan ng di nakakaabala sa ibang customer dahil medyo malalayo ang agwat ng bawat la mesa at medyo malakas ang tugtugin.

 

“Ano ba ang okasyon?” usisa ko sa kanya.

 

“Wala lang, gusto ko lang makasama bestfriend ko, masama ba?” sagot niyang may tanong.

 

“May sinabi ba akong masama? Ang drama mo!” sagot ko naman.

 

Nagsimula na kaming mag-inuman. Alam ko na may problema siya kapag nagyayayang uminom, kung hindi dahil nakipag break siya sa boyfriend niya, nag-away sila ng parents niya, o nagbabalak na naman siyang magresign sa trabaho niya. Yan lang naman ang mga dahilan kapag nagyaya siyang uminom.

 

“Break na ba kayo ni Kenneth?” usisa ko sa kanya.

 

“Tongek! Matagal na kaya no? Saang planeta ka ba at di mo nalaman na wala na kami?” barado na naman ako.

 

“Nag-away ba kayo ni tita?” usisa ko uli.

 

“Ano ba Jeff? Uminom ka na nga lang jan. Dami mo pang tanong. Magpakasaya tayo, wag nating isipin ang mga problema!” sabay tagay ng isang basong red horse.

 

“Eh kilala na kita eh, ganyan ka lang naman pag may problema ka, sabihin mo na kasi para mas madaling maka-react sa mga sasabihin mo.”

 

Katahimikan. Yan ang isinagot sa akin ni Leah at patuloy lang siya sa pagsalin at pag-ubos ng beer na parang wala ng bukas.

 

Mukhang matindi ito, ngayon ko lang siya nakitang manahimik, hindi siya ganyan, iba to, next level na to.

 

As expected, lasing na lasing ang kaibigan ko. At syempre nagamit ko ang LEKAT. Pinasan ko sya sa balikat ko papuntang sasakyan at iniupo ng maayos para di na sumuka.

 

“Jeff, mahal mo ba ako?” tanong niya habang nakapikit at sinisinok.

 

“Gaga! Oo naman dahil bestfriend kita.” Sagot kong may halong kasinungalingan.

 

“Basta ako, mahal kita Jeff, di lang bilang kaibigan, mahal kita… mahal kita..” paulit-ulit niyang sinabi.

 

Para akong nananaginip, pero pinipilit ko ang sarili ko na di ako magugustuhan ng isang tulad ni Leah, kaya binale wala ko lang ang mga sinasabi niya at iniisip kong lasing lang siya. Subalit, napa-isip ako, ngayon niya lang sinabi sa akin ito, kapag naglalasing siya, puro mura ang maririnig ko sa kanya dahil sa sama ng loob, pero bakit ngayon sinasabi niya ito? Ahh basta.. hindi ito totoo, lasing lang tong lokang to.

 

Nahatid ko siya sa condo at naihiga na sa kanyang kama, ng aakto akong aalis, hinila niya ako papalapit sa kanya at niyakap.

 

“Jeff, wag mo kong iwan. Dito ka lang. Please.” Pagmamakaawa niya sa akin.

 

“Sira! Uuwi pa ako! May gagawin pa ako sa bahay. Maglalaba pa ako!” sabay piglas.

 

“Please.. ngayon lang.. dito ka lang sa tabi ko.” Pangungulit niya habang nakapikit.

 

Alam kong lasing siya at inisip ko na rin namakakatulog siya mamaya kaya hinayaan ko siyang nakayakap sa akin hanggang tuluyan siyang makatulog.

 

Dahan-dahan kong inalis ang pagkakayapos niya sa akin para di ko siya magising pero kada galaw ko ng mga braso niya ay mas lalo pa niyang hihigpitan ang yakap sa akin. Wala akong kawala. Hinayaan ko na lang. Natulog na rin ako katabi siya.

 

Nagising ako sa masarap na amoy ng pinipritong itlog at ang aroma ng masarap na kape. Maagang nagising si Leah para magluto ng almusal.

 

Dumiretso muna ako ng banyo upang maghilamos at mag-ayos sa sarili, nakakahiya namang humarap kay Leah na bagong gising na may muta.

 

“Good morning.” Bati ko sa kanya.

 

“Good morning Jeff, maupo ka jan, matatapos na akong magluto.” Napakaganda ng tinig ni Leah kapag di sumisigaw at nagmumura.

 

“Oi, anong kabaliwan ba yung kagabi ha at di mo ako pina-uwi?” tanong ko sa kanya.

 

Hindi siya sumagot, yun na ata ang pinakamahabang 2 minuto ng katahimikang mula kay Leah.

 

“Tara, kain na tayo.” Imbitasyon ni Leah.

 

Tahimik kaming pareho, nagpapakiramdaman, ngayon lang nangyari ito sa kanya, ang manahimik, may nasabi ba ako? Bakit parang kinakabahan ako…

 

“Jeff.. mahal mo ba ako?”

 

Napatigil ako sa pagkain….

 

ITUTULOY….

13 thoughts on “dear kuya potpot… part 1…

  1. susmaryosep. tama ba namang maengganyo akong basahin ito. itutuloy ang labanan! baka naman next year pa ito matapos ha! o next chapter na, dali!

Anong say mo?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s