Posted in double meaning, true story, wala lang

…how long has it been?….

nganga
..walang kinalaman ang larawang ito sa post na ito, gusto ko lang magpost ng picture ko na nakanganga para mainggit kayo.. yun lang…

My goodness!! malapit ng mag anim na buwan para madeclare ng tigok ang naka comatose ko na blog. Nagpa-miss lang ako, yun lang yun, pakiramdam ko kasi eh hindi na ako importante sa inyo. Hinihintay ko na haplusin ninyong muli ang mga pahina ng aking blog at himay-himayin ang bawat salitang may double meaning dito. Pero pass muna, balitaan ko muna kayo kung bakit ako nawala, at dito magandang isingit ang “paki-explain… lab yu!”

Namiligro kasi ang trabaho ko dahil hindi na na-renew ang kontrata ko sa pinagtatrabahuhan kong vulcanizing shop. May natitira pa akong dalawang buwan upang maghanap ng malilipatan o di kaya ay bumalik sa aking lupang kinagisnan na tumatanggap ng bakulaw. At sasabihin ko sa inyo na, na stress ng bonggang-bongga ang beauty ko.

Lahat na ata ng pwedeng apply-an ay in-apply-an ko na… tagabuhos ng wiwi galing orinola sa home for the aged, taga bilang ng bituin during day time, tagapag-alaga ng angry bird ni Peter North, secretary ni Napoles, taga-tikim ng pinya, pagpapasubo ng biko, paghawak sa tikoy na matigas at kung ano-ano pang trabaho na makikita kung saan-saan.

Pero subalit datapwa’t ay napanghihinaan ako ng loob, dahil walang sumasagot sa mga sinulatan kong kumpanya. Ginandahan ko pa naman ang resume ko gawa sa gamit na tissue na napulot ko sa loob ng kubeta, yung iba nga ay galing sa toilet bowl, medyo basa pa yung iba, pero pwede pa namang sulatan. Nilagyan ko pa nga ng pabango para maging scented ang peg ng resume ko, pero bigo akong maakit ang atensyon ng mga employers.

At dahil papalapit na ng papalapit ang katapusan ko sa kumpanya ko, hinyaan ko na lang na ang tadhana ang magdikta kung saan pupulutin ang bangkay ko kapag tumalon na ako sa tulay.

Pero laking gulat ko nang may nag testimonial sa akin sa friendster at hinihingi ang aking resume para maipasok ako sa kumpanya na pinagtatrabahuhan niya bilang isang quality tester ng mga bumbilya at blade na ginagamit sa perya, ang kailangan ko lang daw ay matiyaga, handang matuto at matigas ang sikmurang kumain ng bombilya at blade.

Wala pang limang araw nung pinadala ko ang aking impormasyon ay tumawag na agad-agad ang employer at nagpa-schedule ng interview. Magdala daw ako ng kerosene at posporo para masubukan ang aking mga basic skills, parang casting couch lang.

Tatlong tao agad ang nagpasalit-salit sa akin, pinagsawaan nila ang aking murang kaisipan at sinamsam ang aking kaalaman, parang ang sagwa ng pagkakasabi ko dito, tatlong tao ang nagpali-palit na ininterview ako at muli, agad-agad ay natanggap ako. Laking tuwa ko Ate Charo, di ko akalaing matatanggap ako agad kahit wala pa akong karanasan.

Isang buwang palugit ang ibinigay sa akin ng kumpanya para mag-alsabalutan ako sa dati kong kumpanya at lumipat na sa kanila. Pero nagtanong muna ako kung magkano ba ang magiging sweldo ko sa kanila kung sakaling tatanggapin ko nga ang offer nila. Muli, agad-agad niyang isinulat ang matatanggap kong sahod kada buwan, at laking gulat ko dahil dumoble ang matatanggap ko! Ang saya-saya!

Naglalakad akong pauwi na parang lutang at wala sa katinuan, hindi ko namamalayang pinagtatawanan na pala ako ng mga taong nakakasalubong ko dahil nakabukas ang zipper ko at nakalitaw ang sponge bob square pants kong underwear, eh mahaba ang ilong ni sponge bob di ba?

Ang isang nakitang kong maliit na problema ay ang pag-relocate ng bahay, ililipat nila ako sa medyo probinsya at parang magsisimula akong muli, pero keri lang, sa ibang lugar naman ako makakarampa! Ang sosyal ko talaga!

At ang tunay na dahilan kung bakit hindi ako masyadong active sa pagsulat, wala kasing nagbabasa. busy sa paglipat ng trabaho

Madami pa akong kwento, hayaan ninyo, mag-iingay akong muli.

Sobrang namiss ko ang mga kapalitan ko ng comment at ang panggulo sa mga blog ng may blog. Hayaan ninyo at mangungulit uli ako, tiwala lang… AYIEEEE!

Maraming salamat at di pa rin kayo tumiwalag, at sa mga nag-follow sa akin nung mga nakaraang buwan, anong pumasok sa kukote ninyo at ni-follow ninyo ako? Eehehehehehehe.. salamat sa inyo!! Mwahugz!

Advertisements
Posted in katas utak, kups session, wala lang

TGIF…

naunahan kong magising ang alarm ko sa pay phone, kadalasan 6:30 ito dapat tumunog, pero nung dinilat ko mga mata ko, 5:45 na ng umaga… at kahit hindi ko aamining signs of aging ang magising ng maaga kahit late ng matulog, bumangon ako para salubungin ang napakagandang araw sa loob ng isang linggong trabaho.. ang biyernes…

tiniklop ko ang aking higaan, dahil ito ang tradisyonal na higaan ng mga hapon, yung karton ng sony bravia.. at tiniklop ko na din ang ang kumot na gawa sa pinagtagpi-tagping gamit na plastic bag ng basura.. mas warm kasi ang feeling kapag may kaunting alingasngas sa balat… pinagpag ang unan na gawa sa nilukot na diyaryo, at itinabi sa kariton ko na nakaparada sa may ilalim ng poste…

kinuha ko ang twalyang gawa sa ginupit-gupit na kumot na napulot ko, bilog na sabong gawa sa pinagsama-samang gamit na sabon, botelya ng shampoo na may lamang baby cologne at sabong joy, at labakarang gawa sa ginupit na bacon brief na binigay ng kumpare kong may sakit sa pantog… naligo ako sa may posong malapit sa kanal.. ang sarap ng feeling…

first time kong magtimpla ng instant coffee galing sa tubig na nahuhulog mula sa alulod ng bubong ng kapitbahay dahil hindi naman ako nainom talaga ng kape, sinabayan ko ng kanin at ang specialty ng lola ko sa mother side, ang toyoba (toyo at baboy) na ni-tweak ko at ginawa kong toyoma (toyo at manok). sinamahan ko rin ng isang mansanas na 3 linggo na nung napulot ko sa may labas ng grocery… ang sarap lang…

nagbihis na ako ng pang-opisina at ready na para salubungin ang huling araw ng work week.. woot!

habang naglalakad ako papunta sa istasyon ng tren, pansin na pansin ko ang mga nakakasalubong ko ay napapatingin sa akin at napapangiti.. hindi ko tuloy alam kung may dumi ako sa mukha pero alam ba ninyo yung pakiramdam na may nakalimutan kang gawin… pero sige lang, baka nagkataon lang..

pero hindi talaga natigil ang mga titig ng mga kabataang babae nakakasalubong ko, kulang na lang ay isipin kong, “artista ba ako?”, pero hindi pa naman ganun kakapal ang mukha ko kaya inisip ko na lang na “model” lang ang peg ko…

nakasakay ako sa tren at umupo sa may bandang dulo malapit sa pintuan, at hanggang dito ay panay tingin hindi lamang ng mga kabataang dalaga, kundi mga nanay at mga lola.. may iilan-ilang lalakeng sa tingin ko ay may kursunada rin sa akin, hindi ko talaga malaman kung ano o bakit sila napapatingin… ang ganda ko lang.. period..

pagkalipat ko ng tren, hindi na ako nakaupo, nakatayo ako malapit sa upuan ng mga matatanda, buntis, may dalang bata at disabled.. napansin ko na yung lolang nakaupo sa harap ko ay aliw na aliw sa akin.. panay ang ngiti niya at papansin sa akin..

hindi na ako nakatiis at nagtanong na ako kung bakit siya tuwang-tuwa… biglang itinuro ni lola ang pantalon ko at nung tinignan ko kung bakit ay naalala kong bigla kung ano yung nakalimutan kong gawin…

nakalimutan kong mag tootbrush…

Posted in pityur pityur, wala lang

i scream…

me, ben and jerry
jen and berry’s + nguso shot

Cool facts about me…

– Mas paborito ko ang ice cream kumpara sa cake. At mocha flavored ice cream ang trip kong lafangin. Pwede na rin ang chocolate marble.

buong-buo pa ipin ko...
buong-buo pa ipin ko…

– Mahilig akong kumain ng yelo, as in literal na nginunguya ko siya, buti na lang at hindi pa nasisira ipin ko.

– Kapag minamalat ako at walang boses, umiinom ako ng ice cold water, at sa maniwala kayo’t sa maniwala, gumagaling ang malat ko.

– Adik ako sa air-con, dahil ipinanganak na kasing kapal ng kalabaw ang balat ko, kaya mas gusto ko yung nagbabaga sa lamig kesa sa nanlalamig sa init.

– Kung iinom ako ng kape, preferred ko ang iced coffee.

– Laging malamig na tubig ang pinanliligo ko dahil mas nagigising ang diwa ko kapag pinambuhos ko ito sa katawan ko.

– Kapag kumakain ako ng chocolate sundae, tinutunaw ko sya at hinahalong mabuti dun sa chocolate, tapos tutunggain ko siya hanggang maubos at pagkatapos ay hindi ako iinom ng tubig.

—-

Siyanga pala, promote ko lang uli yung magazine namin, pwede ninyong basahin online, wala pang bayad sa akin, kaya kailangan kayod kabayo, pambiling load.

edit
ang maarte..

http://issuu.com/clubfilipina/docs/may2013

Posted in kups session, pityur pityur, wala lang

ay! wrong man!

1
sabog sa dinurog na stork…

‘Wag kayong matakot! ‘Yan ang recent mug shot ko dahil nagpagupit na ako. Matagal ko na ring pinag-iisipan kung tutuluyan ko na bang i-donate ang buhok ko sa tahanang walang balakubak foundation, at kahapon nga ay naglakas loob akong pumasok sa barberya, nagbayad ng 500 pesos para magmukha akong nanggagahasa ng kaning lamig.

2
stop.. in the name of love…

Bukod sa pagpapachupit kahapon, noong linggo (day off) ay nanood kami kasama ng aking mga amiga ng Iron Man 3. Maraming nakapagsabi ng hindi daw gaanong kagandahan ang pelikula, pero para sa aking mababaw na pananaw, napukaw niya ang damdamin ko at napabilib ako sa character ni RDJ (i love you na fafa!). Parang hinulma talaga si Tony Stark sa katauhan ni RDJ, at kahit may bali-balitang eto na daw ang huling pelikula niya bilang taong bakal, ako ay umaasa na siya pa rin ang gaganap na iron man sa avengers 2, bakit ko nasabi? Dahil ka-facebook ko si Stan Lee. Period.

took from my friends FB.. thanks Alaine!

Biyernes naman ay nagbowling kami, at ako ang ginawang pin, yun lang. Naranasan kong masaktan, patumbahin at daan-daanan ng bola. Ang sakit pala ng ganoong feeling. I hate IT!

Ayun lang. Nag-update lang ng kalokohan ko sa buhay. Hindi ako makatulog, wala ako sa tamang ulirat. Pasensya na po…

Posted in katas utak, kups session, pityur pityur, wala lang

sakit sa bangs…

Effortless

Maraming bumabagabag sa akin these past few days, kaya hindi ako nakakapag update kung ano man ang nangyayari sa aking baliw na mundo. Ang larawang nakikita ninyo ay ang hitsura ko ngayon. Hindi ako kirat, sadyang tinaas ko yung kanang kilay ko para magmukha namang interesting ang pagmumukha ko, aminin ninyo, mukha akong balbas na tinubuan ng mukha.

Kamakailan ay kinaiinisan ko ang aming supervisor kuno (kuno kasi hindi naman talaga siya supervisor, parang naatasan lang siyang mag lead sa amin dahil Japanese siya, yun lang yun) dahil pakiramdam ko (oo, feelingero ako pag dating sa ganyan) ay pinag-iinitan na naman niya ako. Iilan lang namang kadahilanan ang naiisip ko kung bakit ako ang flavor of the month niya;

1. Gwapo ako Hindi ako kumukuha ng Sabado/Linggo na trabaho.

Ilang beses niyang sinasabi sa akin na kung hindi daw ako kukuha ng trabaho ng weekends ay posibleng tatanggalin ako sa project at bababa ang sweldo ko. Hellooooo! Hindi naman ako per project, per day ang bayad sa akin, at karapatan ko na mag day-off sa araw na itinakda sa kontrata ko. Optional lang naman kung gusto kong  pumasok ng weekends at hindi ito mandatory. At tandaan mo na tinanggal ninyo ang OT rate ng weekend dahil nga kailangan naming i-offset siya kapag weekdays.

2. Lakas ng sex appeal ko Kapag may tanong ako tungkol sa trabaho ay nagtatanong ako sa may alam.

Aminin mo na hindi mo alam lahat. Wala naman yatang tao na napakatalino na alam ang lahat ng kasagutan sa mga katanungang tulad ng what is love. At saka nang nasubukan kong magtanong sa iyo, alam ko na hindi ito dapat abutin ng 30 minutos bago masagot, kaya minabuti ko na magtanong sa taong nakakaalam, at hindi ikaw yun.

3 . Matalino ako Epal lang talaga siya.

Kung ibinigay sa akin ang task para magturo ng trabaho sa iba, sinisiguro ko naman na alam ko ang mga pinagsasabi ko, kahit balu-baluktot akong mag Nihonggo. Kung sakaling may sinabi ako na mali, tatanggapin ko naman, ‘wag mo lang ipamukha na ikaw ang may alam. Eh kung marunong ka eh di ikaw na magturo, nag aaksaya pa ako ng laway eh mas malakas ang talsik ng sa iyo, ikaw na.

Minsan nararamdaman ko na lang na umaangat ang dugo ko papunta sa ulo kapag nakikita ko siya, kaya nga lagi kong hinihiling na bigyan pa ako ng pasensya sa pakikisalamuha sa kanya, ayoko kasi na may galit sa tao dahil nakaka-stress kaya lang iba talaga siya eh, ang sakit sa bangs…

Sorry ha, rant na naman ako, pagbigyan na ninyo ako, pero para sumaya kayo, share ko pic ko nung dalaga pa ako.

Sabel

Posted in back to the past, wala lang

job interview…

…hi guys!! to make the long story short.. i am back.. at sana magtuloy-tuloy na… ang hirap naman kasing sumulat, sa totoo lang, ayokong gawing obligasyon ang pagsusulat kasi nawawalan ng sense.. pero kailangan isipin ko rin na kailangan kong gawin ito dahil mayabang ako at gusto kong ipamukha sa inyo na magaling ako…

ok, pasensya na po at na hack po yung unang paragraph ko.. hindi po ako nagsulat niyan.. ‘wag na lang po ninyong pansinin.. sige na.. please… kiss ko kayo… MMWT! (mwah mwah with tongue!)…

alam ba ninyo na bago pa ako magtrabaho ay madami-daming kumpanya na ang inaplayan ko pero lagi akong sablay… at dahil fresh grad ako ng kursong vulcanology, major in cosmetology noon, desidido akong makapasok sa kumpanyang sa tingin ko ay maghuhubog sa akin para maging isang propesyonal, kaya ang isang buwan ng paghahanap ko ng trabaho ay talaga namang hindi ko malilimutan…

syempre, kapag may interview ako, daig ko pa yung manliligaw, naka slacks, naka long sleeves, naka sapatos na pinakintab gamit ang biton, yung ginagamit sa sapatos ni Sion na kapag nilagyan mo ng biton, kikinis yon… yun yon… at yung mga linyang “i want to be part of your company because i believe, that your company is the best, among the rest! i thank you! *bow*” – parang sagot lang ng ms. universe candidate sa final 10…

bagong ahit, bagong gupit ng buhok, trimmed nails, bonbon baby cologne at tawas para di magkaputok… pero bakit laging rejected ako?? pasado naman ako sa mga exams at initial screening, pero kapag sa major major interview, laging sinasabi nila sa akin na “we will call you” or “we will get in-touch with you”.. syet…

naka-sampung job interviews na ako pero wala pa rin, kaya para akong nabasted, yung parang galit ka dun sa nililigawan mo kasi pinaasa ka pero hindi ka dapat umasa… yung ganyang peg…

eh one day, isang araw, nasa bahay ako ng mga pinsan ko at nagkayayaang uminom.. araw ata ng martes yun, at dahil isa akong dakilang bum, sumama ako at nakipaglasingan na parang walang bukas… at dahil sa aking katangahan pagiging makalimutin, nakalimutan ko na may job interview pala ako sa laguna at kailangang 5:30 ng umaga ay makaalis ako para umabot sa interview ko ng alas-9… eh natapos ang inuman ng alas-2.. PATAY!

kaya kahit lasing ako, pinilit kong magpaka-kuya germs.. walang tulugan… hindi ako nakapag suot ng kurbata, tinupi ko ang long sleeves ko dahil mainit, hindi ko pinakinis ang sapatos ko, nakalimutan kong mag-ahit, magpagupit at magcologne, at higit sa lahat, amoy emperador brandy pa ako na may halong red horse… goodluck!

9:30 na ng umaga.. late ako sa interview… nung tinawag na ang pangalan ko, ni hindi ko alam kung saan ako pupunta, nagtatawanan nga ang mga kasabayan ko dahil mukha akong homeless na nagnakaw ng damit sa sampayan…

interview na… medyo maganda yung nagiinterview sa akin so kahit sesenglot-senglot ako ay tumindig ako na parang manyak professional.. at sinagot ng sincere ang mga katanungan niya tungkol sa aking buhay…

HR : So Mr. Potpot, how are you?
Potpot : I’m fine, thank you! Keep the change..
HR : Alright, so Mr. Potpot, how do you see yourself in the next five years?
Potpot : Good question. I will see myself looking back 5 years from now and saying, “thank you for hiring me”
HR : hahaha, that’s cute. So what do you think are your skills that will help us decide to hire you?
Potpot : Not only do I poses the built and strength of a body builder but I am also capable of making this company earn millions of pesos with just my charms! I am very resourceful and very diligent when it comes to work. I am also a team player and can work under minimal supervision.
HR : Right.. *look of disgust* So do you have any questions regarding our company?
Potpot : Yes I do… ammm where is the toilet? None as of the moment.. Hope to see you again.
HR : Don’t count on it.. Sure.. Thank you!

at after ilang days.. akalain mo TANGGAP AKO! hindi ko alam kung natakot ba sa akin yung HR o nahumaling nakita niya na desidido akong makapasok sa kumpanya…

i therefore conclude, na sa pagmumukha kong ito, hindi kailangan na magmukha akong tao, ang importante ay maunahan ko sa sindak yung nag-iinterview…

Pahabol : sa lahat nga ng mga naging trabaho ko, kapag umattend ako ng interview, hindi ako nag-eeffort na mag-ayos, at swerte naman na natatanggap ako.. sa ngayon, pang anim na kumpanya na itong pinapasukan ko ngayon.. siguro ang swete ko ay yung balbas ko.. ‘wag na kaya akong mag-ahit? ng buhok sa kili-kili?? hihihi…

Posted in back to the past, kups session, wala lang

puso…

May sasabihin ako sa inyo, atin-atin na lang ito ha, ‘wag na ninyong ikakalat, sikretong malutong ito. Alam ba ninyong dati akong naging stalker? Oo, stalker ako dati. Matagal na naman iyun at kaya ko lang naman ginawa iyun ay dahil sobrang tinamaan ako dun sa chick na yun. Marahil nagtataka kayo kung paano nangyari yun ‘no? Pwes! Kumuha na kayo ng popcorn, labakara or panyo para sa luha, at tissue pang-singa, at ikukwento ko sa inyo.

Dear Charo… *que maala-ala mo kaya instrumental theme song para mas feel*

Third Year college po ako noon, usong-uso pa ang mga hacked ISP accounts dahil dial-up pa ang in na in noon. Kung wala po kayong hacked account, jologs po kayo.

Nag-jojoin po ako sa mga mirc chatrooms noon, at dahil first time kong makagamit ng “internet”, sinubukan ko kung masaya ba ito. At nasiyahan naman ako ng 5%. Ok sige, 6.5%.

Sa DALNet po ako naligaw, at nanatili. Marami akong naging mga kaibigan at madami na rin akong naka-eyeball, pero may isang babae ang nakapagpatibok ng aking pagkalalake puso, tawagin na lamang po natin siya sa pangalang Vangie.

Hindi pa po uso ang webcam noon, kaya palitan lamang po ng larawan ang pwede, at noong nasilayan ko ang mga malalaki niyang dibdib mata, sinabi ko na sa aking sarili na, “I think she is the one”, sabay tulo ng aking laway luha sa tuwa.

Sa chatroom pa lang ay meron na kaming “understanding” at dahil ako ay isang manyakis na binata “hopeless romantic” naiisip ko na agad kung ano yung mga maiinit na tagpo mangyayari kapag nagkita kami.

Tawag sa telepono, message sa mirc, telegrama, message sa icq, carrier pigeon, smoke signal, bat signal, at kung anu-ano pang pamamaraan para magkausap kami. Malandi lang ako. Pagbigyan na ninyo ako.

Nagkaroon na kami ng usapan na dadalo kami sa isang “group eb” at pagkatapos ay pupunta kami sa lugar na pwede kaming mag-usap ng masinsinan, sa motel sa jollibee.

Nasa 7-11 po ako naghihintay, ng may lumapit sa aking babae.

“Potpot?”
“Van..hmmmm….gie?”
“Hi!”

NAKNAMPOTAH ATE CHARO!! MAS MAGANDA SIYA SA PERSONAL!

Inabot niya ang kamay niya na mabilis kong sinalo at naghintay ng 30 seconds bago ko binitawan. Malandi lang.

Hindi ko na napansin ang iba pang mga kasama namin dahil nakatutok lang ako ng tingin kay Vangie, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko, na “love at first sight” ang beauty ko sa kanya. Kita ko naman na may “reciprocation” dahil panay ang hawak niya sa braso ko at kurot sa pisngi ko. It’s a sign.

Kaya nung niyaya ko na siyang mag-usap ng masinsinan, ay agad siyang tumanggi, dahil inamin niyang may bf na pala siya. Si Charles.

Ang sakit-sakit ate Charo, pero ok lang, sinabi ko naman na ok lang na maging friends kami, pero ang totoo, I WANT MORE!!

Inalam ko ang lahat-lahat tungkol sa kanya, at kahit hindi pa uso ang friendster noon, nalaman ko ang lahat-lahat tungkol sa kanya. Mula sa parlor na pinupuntahan niya hanggang sa sanitary napkin na ginagamit niya. Dinaig ko pa ang bagsik ni Sherlock Holmes, ang abilidad ni Inspector Gadget, ang sumbrero ni Dick Tracy, ang pagkaabnoy ni L at ang height ni Detective Conan sa husay ko sa pagsaliksik.

At hindi nagtagal, nung nalaman kong naghiwalay na sila ng tukmol niyang boyfriend na si Charles, ay agad akong pumasok sa eksena. Pero masakit ate Charo, dahil nung sinabi ko ang “feelings” ko sa kanya, ay agad niya akong sinabihan na;

“Sorry Pot, you’re not my type”

OH SYET ANG SAKIT-SAKIT LANG!!!

Pero wala akong nagawa, kundi ang kalimutan siya. Kalimutan… Kalimutan.. Kalimutan…

Lumipas ang ilang taon, siguro mga 1 year, habang kasama ko ang jowa ko noon, nagtagpo kami sa isang mall sa QC ng hindi sinasadya.

“Hi Potpot, still remember me?”
“Van…hmmmmm…..gie?”
“OOOHHH! YOU STILL REMEMBER!”

Niyakap niya ako noon na parang ayaw na niya akong pakawalan ate Charo.

“So, does your offer still stand?”

Ngumiti ako, hinawakan ko ang kamay niya at sinabi ko with feelings;

“NEKNEK MO!”

Sabay alis hawak-hawak ang kamay ng jowa ko… si Charles…

Posted in back to the past, kups session, wala lang

pa-laser ng kili-kili…

May kasabihan nga ang mga Pilipino, dalawa lang ang tao sa mundo, ang nananalo at ang nadadaya. Kung ano man ang koneksyon ng sinabi ko sa post ko na ito, ay ‘wag na ninyong isipin kung ano dahil wala talaga. Gusto ko lang sabihin iyan, wala naman masama ‘di ba? ‘DI BA? SAGOT!

Napilitan ako Ipinagmamalaki ko ang entry na ito dahil isasali ko sa pa-contest ni hoshi dahil gusto kong magpalaser ng kili-kili kung sakaling manalo ako dahil gusto kong ibahagi ang aking kwento sa inyong lahat.. *bow*

“Bakit ako nag ba-blog?”

Ang totoo niyan, iyan din ang tanong ko sa sarili ko, at hanggang ngayon, hindi ko alam ang kasagutan sa katanungan na ito. The End. NOT!

Bigyan ko muna kayo ng background kung paano ako nagsimula.

“TIME SPACE WARP, NGAYON DIN!”

Once upon a time, may isang napakagwapong lalake na tatawagin natin sa pangalang Potpot. Itong gwapong lalake na ito ay may kahindik-hindik na charisma at nakakakilabot na sex appeal mabait at mapagpakumbaba. Kaya nga siya ang paboritong habulin ng mga aso tambay babae pinagkakautangan ng pera eskwelahan para gawing scholar.

Dahil hindi siya mayaman, ninais ni Potpot na makipagsapalaran sa bansa ng mga geisha at samurai upang hanapin si shaider para sumali bilang pulis pangkalawakan, pero sa kasamaang palad, hindi siya nakapasa dahil bumagsak siya sa written exam dahil hindi siya marunong magsulat. Pramis.

At dahil mag-isa siya sa bansa ng mga supot (plastic dahil maraming laruan dito), ilang beses na ring inisip ni Potpot na gumawa ng isang bagay na sa tingin niya ay magbibigay aliw sa bilyong-bilyong sangkatauhang gumagamit ng internet. Ang gumawa ng porn ng blog. Pero ang totoo niyan, gumawa siya ng blog para magkaroon ng libangan dahil nakaka-depress ang malayo sa labing dalawang panganay, limang asawa, tatlong kabit, pitong sugar mommy, limang fafa, at isang nanay…

Pero seriously, ang pagba-blog kasi ay ang aking escape sa realidad. Alam naman natin na ang realidad ay seryoso, at dito sa interwebs, naipapakita ko kung gaano ako kapalpak kahusay sa pagsusulat. Kaya ako gumawa ng comedy/reality/action/fiction/drama blog. Ok, opinyon ko lang yung kahusayan ko sa pagsusulat, sorry, unggoy lang.

Naniniwala kasi ako na laughter is the best medicine, at yan ang kaya kong ibahagi, ang magpasaya ng tao. Hindi man ako seryosohin sa kalokohan ko, ay ok lang, basta alam ko na isa sa mga post ko ay nakapagbigay ng ngiti, tawa at halakhak sa mga iilang naliligaw sa aking pahina.

At bilang panghuli, dahil binibilang ko words dito sa entry na ito, baka madisqualify pa ako, sayang ang pampakinis ng kili-kili, kaya ako nagba-blog ay dahil gusto ko, ganun kasimple, kaya para sa inyo, WALANG BASAGAN NG TRIP! *bow*

Paglilinaw:

ang post na ito ay sagot sa Hoshi’s Blog Life Contest

walang sinaktan na hayop sa paggawa ng post na ito

hindi ako mahilig magpa-like sa facebook, at hindi rin sincere ang paggawa ko nito, pero kung ibibigay sa akin ang gantimpala para matanggal ang buhok ko sa kili-kili ay iiyak ako.

Posted in back to the past, kups session, wala lang

…ano ba tayo?…

ano ba tayo?

…kwentuhan ko uli kayo ha, pagtiyagaan sana ninyo ito… hindi sa nagyayabang ako pero akala ko kasi ako lang ang nilalagay sa friendzone, ako din pala ay may nailagay sa friendzone ng hindi ko sinasadya… hayaan ninyong ibahagi ko ang kwentong ito, ilang taon na rin ang lumipas…

(sakay time machine)

…unang trabaho ko at sa laguna ako nadestino bilang isang PE, physical educator, sa isang planta ng plantsa… ilan kaming pinalad na mabunot ang aming resume sa tambyolo ng mga aplikante para sa nasabing posisyon…

…araw ng training, 7 kaming PE at may naligaw na isang HR, horse racer, at dahil hindi siya sanay sa mga lengwahe ng mga PE, ay kinaibigan ko siya para hindi naman siya ma-OP, only person….

…ilang araw din kaming masayang nagkukwentuhan, nagpapadala ng mga mensahe gamit ang kalapati at yung manaka-nakang titigan sabay tango o di kaya titigan sabay tawa… masaya ang mga bawat sandali dahil may bagong kabigan… or so i thought…

…kadalasan, ay nagkakasabay kami sa sakayan ng shuttle sa may magallanes, at lagi kaming nagtatabi para magkwentuhan ng mga kaganapan sa buhay… sabay din kami kung umuwi at nauuna siyang bumaba ng FTI… at kahit napagkwentuhan na namin ang isang bagay, panay tawa pa rin kami, na marahil ay nabibigyan na ng malisya ng ibang mga tao sa loob at labas ng planta…

…isang araw, ay nahuli siya ng gising at hindi nakaabot sa shuttle… agad niya akong pinadalhan ng mensahe na hintayin ko siya at sumakay na lang kami ng FX, fire fox, papasok…. at kahit alam kong mahuhuli ako, ay hinintay ko pa rin siya, ganyan akong kaibigan, walang iwanan…

…magkatabi kami sa FX, at dahil medyo puyat pa ako ng mga panahon na yan, ay hindi ko sinasadyang makatulog at madantay ang aking mga ulo sa kanyang balikat… hanggang sa makarating kami sa planta, ay saka lang niya ako ginising…

Uyyy, sorry ha.. natuluan ba kita ng laway? pabiro kong tanong…

Hindi naman, ok lang, sarap nga ng tulog mo, himbing na himbing ka… sagot naman niya…

Nakakahiya naman sa iyo, pasensya na uli ah… sabay tapik sa kanyang balikat…

Ok lang nga, ano ka ba… na sinuklian naman niya ng pisil sa aking braso…

…sabay kaming kumain ng lunch ng 11:30 dahil ‘yun ang schedule ng aming kain kapag nasa planta, at kahit alam ko na 1:00 pa ang break time niya, pinipilit talaga niya na magkasabay kami, ang sweet lang…

…sa loob ng dalawang buwan ay ganyan ang routine namin.. hanggang isang araw, naging kakaiba ang timpla ng lahat…

May GF, grape fruit, ka ba pot? pag-uusisa niya sa akin…

Meron! bakit mo natanong? mabilis kong sagot…

Wala. katahimikan…

…ilang araw niya akong iniwasan at hindi kinausap, lagi niyang sinasabi na marami siyang ginagawa at meron lang daw siyang inaasikaso sa bahay nila…

…hanggang isang araw, nagkasalubong kami sa corridor… agad ko siyang inakbayan, yung akbay tropa, na kinagulat niya dahil bakit ko daw siya inakbayan… sinagot ko siya na, sira! na miss kaya kita! tagal nating hindi nagkita at nag-usap no.. 2 weeks ba?

…at nagsimula uli ang kulitan at tawanan…

…pagkatapos ng isang linggo, inaya niya akong kumain sa mcdo sa may magallanes, mag-usap daw kami… eh di pumayag ako dahil gusto ko rin namang tumambay muna…

…habang umiinom ako ng softdrinks, nagtanong siya…

mag ano ba tayo?

*gulp* ammm.. magkaibigan? bakit?

eh bakit pinapaasa mo ako na parang may gusto ka sa akin? medyo tumataas ang boses niya..

ano ka ba! alam mo naman na friends lang tayo, at alam mo ding may GF ako ‘di ba? sagot ko naman..

pero sinasaktan mo ako, pot.. bakit kasi ang sweet mo sa akin? sa iba hindi ka naman ganyan…

sorry… maiksi kong sagot…

…pinag-usapan namin na hindi kami pwede dahil nga one way lang ang feelings.. pero hindi namin tinigil maging magkaibigan.. at hanggang ngayon, kahit minsan na lang kami magkamustahan, nag-uusap pa rin kami ni oscar… mabait naman kasi siya… kaya hindi dapat iwasan… ayun.. hihihihi…