Kapag nakakapanood ako ng k-drama, kadalasang sumasagi sa isip ko kung nangyayari ba ang mga ito sa totoong buhay, lalo na yung mga kilig moments na kung saan nagbabatuhan ng mga matatamis na salita at talagang kikiligin ka kapag tinamaan ka. At saka ko naalala na may mga k-drama moments pala ako nung kabataan ko, 5 years ago..
Third year highschool ako nung una kong nakilala si Leonora, 1st year lang siya noon at transferee sa aming school. Sa unang tingin, masasabi mo na cute siya pero hindi ito sapat para mapukaw ang kalooban ko sa kanya.
Naging close kami dahil pareho kaming officer ng student council pero salungat ang aming schedule dahil pang umaga siya, panghapon naman ako pero may ilang minuto kaming nagkakatagpo kapag nag overlap ang pag-uwi niya at pag pagpasok ko sa hapon.
Walang landiang nagaganap, dahil turing ko sa kanya noon ay parang little sister. At ang masaklap pa noon, ginawa ko siyang tulay dahil nagpalakad ako sa isang kaklase niya na crush ko. Tinulungan naman niya ako pero sa kasamaang palad, olats ako dun sa crush ko.
Ang hindi ko maintindihan, nung mga panahon na nagpapatulong ako sa kanya, mas madalas ang usap namin dahil siya ang sinasadya kong kausapin, at dahil mas madalas ko siyang makita at makausap, nagkaroon ng kaunting puwang sa puso ko para sa kanya, naging crush ko na rin siya, ng slight.
Ilang buwan ang lumipas, napasali kami sa isang stage play na kung saan mas lalo kaming naging close ni Leonora. Sinabi niya sa akin na crush niya ang isa sa mga mahusay ng stage actor sa aming school noon. Aaminin ko kuya Eddie, medyo na hurt ako pero wala naman akong magagawa dahil friends lang kami. Wala akong K na mag-inarte para sabihin sa kanyang “Ako na lang, ako na lang sana…”.
Naging mag close sila nung lalakeng magaling umarte, to the point na nasasaktan na ako kapag nakikita ko silang magkasama at nag-uusap. One day, sinabi ni Leonora na magkikita at mag-uusap sila nung lalakeng magaling umarte sa patio ng aming sibahan para “mag-usap”. Kinabahan ako nun ate Charo, pakiramdam ko kung hindi ako gagawa ng aksyon, hindi ko masasabi kay Leonora ang tunay kong nararamdaman.
Dali-dali akong bumalik sa patio at hindi ako nakapaniwala sa nakita ko. Nakaupo sila sa isang bench, nakayakap sa isa’t-sa. Shook ako besh! At kahit masakit, lumapit pa rin ako para makumpirma ang nakikita ng aking mga mata pero itinatanggi ng aking puso.
Potpot : Uyy, sir.. uy Leonora, nandito pala kayo.
Hindi inaalis ni lalakeng magaling umarte ang pagkakayakap niya kay Leonora.
LMU : Oo nandito kami, anong ginagawa mo dito?
Potpot : Napadaan lang sir, ok lang ba kayo?
LMU : Oo ok lang kami, sige pwede ka ng umalis
Hindi ko inaalis ang tingin ko kay Leonora at kahit maluluha na ako sa nakikita ko, wala akong magawa. Hindi ko nakitang tumingin si Leonora sa akin, nakatingin lang siya sa malayo.
Umalis ako at saktong pagtalikod ko, tumulo ang mga luha ko, senyales na nabigo ako. Sobrang sakit ate Mel. Tinago ko ang iyak ko at nung nakakasiguro na akong hindi na nila ako tanaw, agad kong pinunasan ang luha ko para hindi naman ako mukhang dugyot habang naglalakad pauwi.
Lumipas ang mga araw, linggo, buwan, na sa tuwing nakikita ko si Leonora, malungkot siya. Gusto ko siyang lapitan pero natatakot ako. Natatakot ako na kumirot ang puso ko kapag ikukwento niya na sila na ni lalakeng magaling umarte. Hindi ko kakayanin, ouch! At sa tuwing titingin siya sa akin, lumalayo ako ng tingin at iiba ng direksyon papalayo sa kanya.
Isang araw, sa hindi inaasahang pagkakataon, nakaupo ako malapit sa pasukan ng mga estudyante at nagbabasa ng aralin nang may biglang tumabi sa akin. Si Leonora. Pagtingin ko sa kanya ay nakangiti siya. Ang ganda niya.
Leonora : Uyy Pot, kamusta na? Tagal na nating di nagkakachikahan ah. Kamusta na? May girlfriend ka na ba?
Sa loob ko gusto kong sabihin na, “ikaw sana ang gusto kong maging girlfriend kaya lang may nagpapasaya na sa puso mo.”
Potpot : Ako? may GF? BF madami! ahahahahaha!
Leonora : Sira ka talaga! (sabay hampas sa balikat ko)
Potpot : ouch! it hurts ah!
Ewan ko ba Tiya Dely, nung nagkakausap kami medyo gumaan ang pakiramdam ko. Kahit masakit pa rin pero nung nakita ko siyang masaya, unti-unting nawawala ang sakit na nararamdaman ko. Masaya ako na masaya siya. Ang cliche, ano? Pero totoo. I’m happy that she is happy at nung nakita ko ang mga ngiti niya, natunaw ang lahat ng hinaing ko. Sumaya ako.
Nagbalik ang sigla na nakikita ko sa kanya sa tuwing kami ay nagkikita at nag-uusap. Nakundisyon ko ang sarili na ok lang na friends kami. Masaya na ako na makita siya. Humugot ako ng inspirasyon sa kanya. Masaya ako.
Sa hindi ko alam na kadahilanan, napunta ang usapan namin kay lalakeng magaling umarte.
Potpot : Kamusta na kayo ng bf mo, si lalakeng magaling umarte? Payo ko lang ha, mag-ingat ka dun kasi alam ko madami siyang ine-entertain na babae.
Leonora : Huh? hindi ko bf yun. Crush ko siya pero hindi kami.
Potpot : Ano? Pero nung dati nakita ko kayo magkayakap noon, bakit?
Leonora : Nagtapat siya sa akin na liligawan niya ako at bigla niya akong niyakap, hindi ako makagalaw sa bigla.
Potpot : So hindi mo pa siya sinasagot?
Leonora : Naku hindi ah! hindi na nga nasundan ang usap namin eh.
Tangina! Eto na yung hinihintay kong chance! Ang bilis ng tibok ng puso ko, nauutal ako sa mga sinasabi ko at halata sa boses ko yung kaba na parang nangangatog pa.
Potpot : May sasabihin ako sa iyo pero wag kang tatawa ha.
Leonora : Ano yun?
Potpot : Ma.. ma… mata.. gal… na ka… si ki. tang… crush.. nung.. nung.. nung sina.. sinabi mo na mag.. ki..kita ka.. yo.. nag..ma..dali… ako.. na pun.. tahan.. ko.. ka.. yo… pe.. pe.. pero too late na.. a.. ko…
Leonora : (tumatawa) Ano nangyari sa iyo? Bakit ka na-uutal.
Potpot : Kinakabahan kasi ako.. (hinga ng malalim).. gusto ko sanang sabihin sa iyo na gusto kitang ligawan noon pero nahuli ako.. pero salamat at naliwanagan ako kaya magbabakasakali ako uli.. pwede ba kitang ligawan Leonora?
Leonora : (nakatitig sa mga mata ko)
SYET!!
Itutuloy…